Huwag kang iibig sa isang manunulat

Huwag kang iibig sa isang manunulat

Dahil lulunurin ka niya sa mga istorya at salita.

Bubuo siya ng mga tayutay at mga talata

Patungkol sa iyo at sa kuwento ninyong dalawa.

 

Huwag kang magpapadala sa tamis ng kanyang mga sulat.

Dahil sa oras na niyakap mo siya,

Araw-araw ka niyang aalayan ng mga tula at mga berso.

Ikaw ang magiging musa sa kanyang mga awit at liriko,

Ikaw ang paraluman sa bawat linya sa kanyang kuwaderno.

 

Huwag kang iibig sa isang manunulat

Dahil nanamnamin niya ang bawat salita

Bibigyan niya ito ng kahulugan

Na mamumunga ng mga parirala.

Magtatahi siya ng mga salaysay

Na ibubulong niya sa iyong tenga.

Pababaunan ka niya ng mga pangungusap

Na ikukupkop niya sa iyong palad.

Maaaring ang iba rito ay kathang isip lamang,

Ngunit ang kanyang pag-ibig ay hindi huwad.

 

Aking sinta, huwag kang magtataka

Dahil sa pagsulat lamang niya naihahayag ang kanyang saya,

Naipapaalam ang kanyang lungkot,

Pahuhupain niya ang kanyang galit

Gamit ang mga titik na tila punyal na itatarak niya sa iyong dibdib.

Ganito niya rin hihilumin ang mga sugat na dulot ng mga bigong pag-ibig

Na kalaunan ay magiging inspirasiyon niya sa kanyang sining.

 

Ipipinta niya ang iyong mukha sa kanyang mga akda,

At sa bawat pahina ng kanyang mga aklat.

Aking sinta, ako ay nagbibigay babala

Huwag kang iibig sa isang manunulat.

 

 

###

 

 

 

1 Comment

Leave a Reply